Ang Alamat Kung Bakit Pulo-pulo ang Pilipinas

Panimula

Simulan natin ang magpapasimula ng marami pang kuwentuhan sa ating Inang Bayan, ang Pilipinas. Ang ating mga ninuno ay nagkaroon ng mga kuwento kuwento kung papaanong naging pulo-pulo ang Pilipinas at ito na nga ang alamat na iyon...

Ang Pilipinas


Alamat Kung Bakit Pulo-pulo ang Pilipinas
"The Legend of How the Philippines Became an Archipelago"


Noong unang panahon ang Pilipinas ay isang mahabang isla na kung saan naninirahan ang mag-asawang higante. Isang mayaman at masaganang lupain ang isla ng Pilipinas kung kaya't hindi na nangangailangang magtrabaho ng dalawang higante upang mabuhay. Mamimitas at namumulot na lamang sila ng mga kakainin sa paligid.

Isang araw napagkasunduan ng mag asawa na kabibe ang kanilang magiging pananghalian kung kaya't nagsimula silang mamulot ng mga kabibe na malapit sa karagatan. Hindi natuwa ang lalakeng higante sa mga mumunting kabibeng iyon at napagpasyahang lumusong sa ilalim ng karagatan upang makahanap ng mas malaking kabibe. Hindi naman nabigo ang higante at kaagad na nakakita ng higanteng kabibe. Nang buksan niya ito ay namangha siya sa laman nitong makintab na perlas. Dali-daling umahon ang lalakeng higante at ipinakita ang natagpuang kayamanan sa kanyang asawa.

Labis na namangha ang dalawa kung kaya't lumusong muli ang lalake ngunit sa pagkakataong iyon ay kasama na niya ang asawa sa pangangalap ng mga higanteng kabibe. Binuksan nila ang maraming higanteng kabibe at itinabi ang mga perlas at malugod na umuwi.

Habang nasa daan papauwi ay nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa kung sino ang dapat makakuha ng mas maraming makintab na perlas. Pinipilit ng babae na dapat sa kanya mapunta ang mas maraming perlas dahil mas marami syang nakuhang kabibe. Mas nauna namang makita ng lalake ang perlas kaya dapat siya ang mas maraming makuha, ang pangangatwiran nito.

Nauwi ang kanilang alitan sa sigawan at ng di maglaon ay pukulan at sakitan. Sa lakas ng pagpadyak at pagdadabog ng mag-asawa ay nagsimulang yumanig ang buong isla. Sa tindi ng sigalot ng nagngingitngit na mag-asawa ay gumuho ang mga lupa, nahati at naghiwa -hiwalay ang mga isla.

Ang dating isang buong isla ay nahati sa tatlong malalaking isla at mahigit sa pitong libong mumunting mga isla.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...